IMPENG NEGRO
Rogelio R. Sikat
BAKA makikipag-away ka na naman, Impen.”
Tinig iyon ng kaniyang ina. Nangangaral na naman. Mula sa
kinatatalungkuang giray
na batalan, saglit siyang napatigil sa paghuhugas ng mumo sa kamay.
“Hindi ho,” paungol niyang tugon.
“Hindi ho...,” ginagad siya ng ina. “Bayaan mo na nga sila. Kung
papansinin mo’y lagi
ka ngang mababasag-ulo.”
May iba pang sinasabi ang kaniyang ina ngunit hindi na niya
pinakinggan. Alam na
niya ang mga iyon. Paulit-ulit na niyang naririnig. Nakukulili na ang
kaniyang tainga.
Isinaboy niya ang tubig na nasa harap. Muli siyang tumabo. Isinawak
niya ang kamay, pinagkiskis ang mga palad at pagkaraa’y naghilamos.
“Dumaan ka kay Taba mamayang pag-uwi mo,” narinig niyang bilin ng ina.
“Wala nang gatas si Boy. Eto ang pambili.”
Tumindig na siya. Nanghihinamad at naghihikab na iniunat ang
mahahabang kamay. Inaantok pa siya. Gusto pa niyang magbalik sa sulok na
kaniyang higaan. Ngunit kailangang lumakad na siya. Tatanghaliin na naman bago
siya makasahod. At naroon na naman marahil si Ogor. Kahit siya ang nauna ay
lagi siyang inuunahan ni Ogor sa pagsahod. Umingit ang sahig ng kanilang
barungbarong nang siya’y pumasok.
“Nariyan sa kahon ang kamiseta mo.”
Sa sulok ng kaniyang kaliwang mata’y nasulyapan niya ang ina. Nakaupo
ito, taas ang kaliwang paa, sa dulo ng halos dumapa nang bangko. Nakasandig ang
ulo sa tagpiang dingding. Nakalugay ang buhok. Bukas ang kupasing damit na
giris, nakahantad ang laylay at tuyot na dibdib. Kalong nito ang kaniyang
kapatid na bunso. Pinasususo.
“Mamaya, baka umuwi ka namang...basag ang mukha.”
Bahagya na niyang naulinigan ang ina. Nakatitig siya sa tatlo pa
niyang kapatid. Sunud-sunod na nakatalungko ang mga ito sa isa pang bangkong
nasa tagiliran ng nanggigimalmal na mesang kainan. Nagsisikain pa.
Matagal na napako ang kaniyang tingin kay Kano, ang sumunod sa kaniya.
Maputi si Kano, kaya ganito ang tawag dito sa kanilang pook. Kakutis ni Kano
ang iba pa niyang kapatid. Marurusing ngunit mapuputi. May pitong taon na si
Kano. Siya nama’y maglalabing-anim na. Payat siya ngunit mahahaba ang kaniyang
biyas.
Hinalungkat na niya ang kahong karton na itinuro ng ina. Magkakasama
ang mga damit nila nina Kano, Boyet at Diding. Sa may ilalim, nakuha niya ang
kulay-lumot niyang kamiseta. Hinawakan niya iyon sa magkabilang tirante.
Itinaas. Sinipat.
“Yan na’ng isuot mo.” Parang nahulaan ng kaniyang ina ang kaniyang
iniisip.
Isinuot niya ang kamiseta. Lapat na lapat sa kaniya ang kamisetang
iyon noong bagong bili ngunit ngayo’y maluwag na. Nagmumukha siyang Intsik-beho
kapag suot iyon ngunit wala naman siyang maraming kamisetang maisusuot. Mahina
ang kita ng kaniyang ina sa paglalabada; mahina rin ang kaniyang kita sa
pag-aagwador.
Nagbalik siya sa batalan. Nang siya’y lumabas, pasan na niya ang
kargahan. Tuluytuloy niyang tinungo ang hagdan.
“Si Ogor, Impen,” pahabol na bilin ng kaniyang ina. “Huwag mo nang
papansinin.” Naulinigan niya ang biling iyon at aywan kung dahil sa inaantok pa
siya, muntik na siyang madapa nang matalisod sa nakausling bato sa may paanan
ng kanilang hagdan.
Tuwing umagang mananaog siya upang umigib, pinagpapaalalahanan siya ng
ina.
Huwag daw siyang makikipagbabag. Huwag daw niyang papansinin si Ogor.
Talaga raw gayon ito: basagulero. Lagi niyang isinasaisip ang mga biling ito
ngunit sadya yatang hindi siya makapagtitimpi kapag naririnig niya ang
masasakit na panunukso sa kaniya sa gripo, lalung-lalo na mula kay Ogor.
Si Ogor, na kamakailan lamang ay bumabag sa kaniya, ang malimit
magsisimula ng panunukso:
“Ang itim mo, Impen!” itutukso nito.
“Kapatid mo ba si Kano?” isasabad ng isa sa mga nasa gripo.
“Sino ba talaga ang tatay mo?”
“Sino pa,” isisingit ni Ogor, “di si Dikyam!”
Sasambulat na ang nakabibinging tawanan. Pinakamatunog ang tawa ni
Ogor. Si Ogor ang kinikilalang hari sa gripo.
Noong una, sinasagot niya ang mga panunuksong ito: “E ano kung maitim?”
isasagot niya.
Nanunuri ang mga mata at nakangising iikutan siya ni Ogor. Pagkuwa’y
bigla na lamang nitong kakayurin ng hintuturo ang balat sa kaniyang batok.
“Negrung-negro ka nga, Negro,” tila nandidiring sasabihin ni Ogor.
Magsusunuran nang manukso ang iba pang agwador. Pati ang mga batang naroon:
Tingnan mo ang buhok. Kulot na kulot! Tingnan mo ang ilong. Sarat na sarat! Naku
po, ang nguso... Namamalirong!
Sa katagalan, natanggap na niya ang panunuksong ito. Iyon ang totoo,
sinasabi niya sa sarili. Negro nga siya. Ano kung Negro? Ngunit napapikit siya.
Ang tatay niya’y isang sundalong Negro na nang maging anak siya’y biglang
nawala sa Pilipinas.
Ang panunuksong hindi niya matanggap, at siya ngang pinagmulan ng
nakaraan nilang pagbababag ni Ogor, ay ang sinabi nito tungkol sa kaniyang ina.
(Gayon nga kaya kasama ang kaniyang ina?)
“Sarisari ang magiging kapatid ni Negro,” sinabi ni Ogor. “Baka
makatatlo pa ang kaniyang nanay ngayon!”
Noong kabuntisan ng kaniyang ina sa kapatid niyang bunso ay iniwan ito
ng asawa. Hindi malaman kung saan nagsuot. At noon, higit kailanman, naging
hamak sila sa pagtingin ng lahat. Matagal-tagal ding hindi naglabada ang
kaniyang ina, nahihiyang lumabas sa kanilang barungbarong. Siya ang nagpatuloy
sa pag-aagwador.
At siya ang napagtuunan ng
sarisaring panunukso.
Natandaan niya ang mga panunuksong iyon. At mula noon, nagsimula nang umalimpuyo
sa kaniyang dibdib ang dati’y binhi lamang ng isang paghihimagsik: nagsusumigaw
na paghihimagsik sa pook na iyong ayaw magbigay sa kanila ng pagkakataong
makagitaw at mabuhay nang payapa.
Sariwa pa ang nangyaring pakikipagbabag niya kay Ogor, naiisip ni
Impen habang tinatalunton niya ang mabatong daan patungo sa gripo. Mula sa
bintana ng mga barungbarong, nakikita niyang nagsusulputan ang ulo ng mga bata.
Itinuturo siya ng mga iyon.
Sa kaniya rin napapatingin ang matatanda. Walang sinasabi ang mga ito,
ngunit sa mga mata, sa galaw ng mga labi nababasa nya ang isinisigaw ng mga
paslit: Negro! Napapatungo na lamang siya.
Natatanaw na niya ngayon ang gripo. Sa malamig ngunit maliwanag nang
sikat ng araw, nakikita na niya ang langkay ng mga agwador. Nagkakatipun-tipon
ang mga ito. Nagkakatuwaan. Naghaharutan.
Sa langkay na iyon ay kilalang-kilala niya ang anyo ni Ogor. Paano
niya malilimutan si Ogor? Sa mula’t mula pa, itinuring na siya nitong kaaway,
di kailanman binigyan ng pagkakataong maging kaibigan.
Halos kasinggulang niya si Ogor, ngunit higit na matipuno ang katawan
nito. Malakas si Ogor. Tuwid ang tindig nito at halos hindi yumuyuko kahit may
pasang balde ng tubig; tila sino mang masasalubong sa daan ay kayang-kayang
sagasaan.
Nang marating niya ang gripo ay tungo ang ulong tinungo niya ang
hulihan ng pila. Marahan niyang inalis sa pagkakakawit ang mga balde. Sa
sarili, nausal niyang sana’y huwag siya ang maging paksa ng paghaharutan at
pagkakatuwaan ng mga agwador.
Nakakaanim na karga na si Impen. May sisenta sentimos nang
kumakalansing sa bulsa ng kutod niyang maong. May isa pang nagpapaigib sa
kaniya. Diyes sentimos na naman. Kapag tag-araw ay malaki-laki rin ang kinikita
ng mga agwador. Mahina ang tulo ng tubig sa kanilang pook. At bihira ang may
poso.
Tanghali na akong makauuwi nito, nausal niya habang binibilang sa mata
ang mga nakapilang balde. Maluwag ang parisukat na sementong kinatitirikan ng
gripo at ang dulo ng pila’y nasa labas pa niyon.
Di-kalayuan sa gripo ay may isang tindahan. Sa kalawanging medya-agwa
niyon ay nakasilong ang iba pang agwador. May naghubad na ng damit at isinampay
na lamang sa balikat. May nagpapaypay. May kumakain ng halu-halo.
Sa pangkat na iyon ay kay Ogor agad natutok ang kaniyang tingin.
Pinilit niyang supilin ang hangaring makasilong. Naroon sa tindahan si Ogor.
Hubad-baro at ngumingisi. Mauupo na lamang siya sa kaniyang balde. Mabuti pa
roon, kahit nakabilad sa init. Pasasaan ba’t di iikli ang pila? Naisip niya.
Makasasahod din ako.
Kasalukuyan siyang nagtitiis sa init nang may maulinigan siyang siga
mula sa tindahan:
“Hoy, Negro, sumilong ka. Baka ka pumuti!”
Si Ogor iyon. Kahit hindi siya lumingon, para na niyang nakita si
Ogor. Nakangisi at nanunukso na naman.
“Negro,” muli niyang narinig, “sumilong ka sabi, e. Baka ka masunog!”
Malakas ang narinig niyang tawanan. Hindi pa rin siya lumilingon. Tila
wala siyang naririnig. Nakatingin siya sa nakasahod na balde ngunit ang naiisip
niya’y ang bilin ng ina, na huwag na niyang papansinin si Ogor. Bakit nga ba
niya papansinin si Ogor?
Tinigilan naman ni Ogor ang panunukso. Hindi pa rin siya umaalis sa
kinauupuang balde. At habang umiisod ang pila, nararamdaman niyang lalong
umiinit ang sikat ng araw. Sa paligid ng balde, nakikita niya ang kaniyang
anino. Tumingala siya ngunit siya’y nasilaw. Nanghahapdi at waring nasusunog
ang kaniyang balat. Tila ibig nang matuklap ang balat sa kaniyang batok, likod at
balikat. Namumuo ang pawis sa kaniyang anit at sa ibabaw ng kaniyang nguso. May
butil na rin ng pawis sa kaniyang ilong.
Itinaas niya ang tirante ng kamiseta. Hinipan-hipan niya ang manipis
na dibdib. Di natagalan, isinawak niya ang kamay sa nalalabing tubig sa balde.
Una niyang binasa ang batok---kaylamig at kaysarap ng tubig sa kaniyang batok.
Malamig. Binasa niya ang ulo. Kinuskos niya ang kaniyang buhok at nabasa pati
ang kaniyang anit. Binasa niya ang balikat, ang mga bisig. May nadama siyang
ginhawa ngunit pansamantala lamang iyon. Di nagtagal, muli niyang naramdaman na
tila nangangalirang na naman ang kaniyang balat. Kay hapdi ng kaniyang batok at
balikat.
“Negro!” Napauwid siya sa pagkakaupo nang marinig iyon. Nasa likuran
lamang niya ang nagsalita. Si Ogor. “Huwag ka nang magbibilad. Doon ka sa
lamig.”
Pagkakataon na ni Ogor upang sumahod. At habang itinatapat nito ang
balde sa gripo, muli niyang nakita na nginingisihan siya nito.
Napakatagal sa kaniya ang pagkapuno ng mga balde ni Ogor.
Napabuntong-hininga siya nang makitang kinakawitan na ni Ogor ang mga balde. Sa
wakas, aalis na si Ogor, naisip niya. Aalis na si Ogor. Huwag na sana siyang
bumalik.
May galak na sumusuno sa kaniyang dibdib habang pinagmamasdan ang
pagkapuno
ng sinundang balde. Susunod na siya. Makaka sahod na siya. Makakasahod
na rin ako,
sabi niya sa sarili. Pagkaraan ng kargang iyon ay uuwi na siya. Daraan
pa nga pala siya kay
Taba. Bibili ng gatas.
Datapwa, pagkaalis ng hinihintay niyang mapunong balde, at isasahod na
lamang
ang sa kaniya, ay isang mabigat at makapangyarihang kamay ang biglang
pumatong sa
kaniyang balikat. Si Ogor ang kaniyang natingala. Malapit lamang pala
ang pinaghatidan
nito ng tubig.
“Gutom na ako, Negro,” sabi ni Ogor. “Ako muna.”
Pautos iyon. Iginitgit ni Ogor ang bitbit na balde at kumalantog ang
kanilang mga
balde. Iginitgit din niya ang sa kaniya, bahagya nga lamang at takot
na paggitgit.
“Kadarating mo pa lamang, Ogor, nais niyang itutol. Kangina pa ako
nakapila rito, a. Ako
muna sabi, e,” giit ni Ogor.
Bantulot niyang binawi ang balde, nakatingin pa rin kay Ogor. Itinaob
niya ang
kaunting nasahod na balde at ang tubig ay gumapang sa semento at
umabog sa kanilang
mga paa ni Ogor. Uuwi na ako, bulong niya sa sarili. Uuwi na ako.
Mamaya na lang
ako iigib uli. Nakatingin sa araw, humakbang siya upang kunin ang
pingga ngunit sa
paghakbang na iyon, bigla siyang pinatid ni Ogor.
“Ano pa ba ang ibinubulong mo?”
Hindi na niya narinig iyon. Nabuwal siya. Tumama ang kanan niyang
pisngi sa labi ng
nabitawang balde. Napasigaw siya. Malakas. Napaluhod siya sa madulas
na semento.
Kagyat na bumaha ang nakaliliyong dilim sa kaniyang utak. Habang
nakaluhod, dalawang
kamay niyang tinutop ang pisngi. Takot, nanginginig ang kaniyang mga
daliri. Dahandahan
niyang iniangat iyon. Basa...Mapula...Dugo!
Nanghilakbot siya. Sa loob ng isang saglit, hindi niya maulit na
salatin ang biyak na
pisngi. Mangiyak-ngiyak siya.
“O-ogor...O-ogor...” Nakatingala siya kay Ogor, mahigpit na kinukuyom
ang mga
palad. Kumikinig ang kaniyang ulo at nangangalit ang kaniyang ngipin. “Ogor!”
sa wakas
ay naisigaw niya.
Hindi minabuti ni Ogor ang kaniyang pagsigaw. Sinipa siya nito.
Gumulong siya.
Buwal ang lahat ng baldeng nalalabi sa pila. Nagkalugkugan. Nakarinig
siya ng tawanan.
At samantalang nakadapa, unti-unting nabuo sa walang malamang sulingan
niyang mga
mata ang mga paang alikabukin. Paparami iyon at pumapaligid sa kaniya.
Bigla siyang bumaligtad. Nakita niya ang naghuhumindig na anyo ni
Ogor. Nakaakma
ang mga bisig.
“O-ogor...”
Tumawa nang malakas si Ogor. Humihingal at nakangangang napapikit
siya. Pumuslit
ang luha sa sulok ng kaniyang mga mata. Nasa ganito siyang kalagayan
nang bigla niyang
maramdaman ang isang ubos-lakas na sipa sa kaniyang pigi. Napasigaw
iya. Umiiyak
siyang gumugulong sa basa at madulas na semento. Namimilipit siya.
Tangan ang
sinipang pigi, ang buong anyo ng nakaangat niyang mukha’y larawan ng
matinding sakit.
Matagal din bago napawi ang paninigas ng kaniyang pigi. Humihingal
siya. Malikot
ang kaniyang mga mata nang siya’y bumangon at itukod ang mga kamay sa
semento.
Si Ogor...Sa mula’t mula pa’y itinuring na siya nitong kaaway...Bakit
siya ginaganoon
ni Ogor?
Kumikinig ang kaniyang katawan. Sa poot. Sa naglalatang na poot. At
nang makita
niyang muling aangat ang kanang paa ni Ogor upang sipain siyang muli
ay tila nauulol na
asong sinunggaban niya iyon at niyakap at kinagat.
Bumagsak ang nawalan ng panimbang na si Ogor. Nagyakap sila.
Pagulung-gulong.
Hindi siya bumibitiw. Nang siya’y mapaibabaw, sinunud-sunod niya:
dagok, dagok,
dagok... pahalipaw... papaluka...papatay.
Sa pook na iyon, sa nakaririmarim na pook na iyon, aba ang pagtingin
sa kanila.
Marumi nang babae ang kaniyang ina. Sarisari ang anak. At siya isang
maitim, hamak na
Negro! Papatayin niya si Ogor. Papatayin. Papatayinnn!
Dagok, dagok, dagok...Nag-uumigting ang kaniyang mga ugat. Tila asong
nagpipilit
makapaibabaw si Ogor. Tila bakal na kumakapit ang mga kamay. Sa isang
iglap
siya naman ang napailalim. Dagok, dagok. Nagpipihit siya. Tatagilid.
Naiiri. Muling
matitihaya. Hindi niya naiilagan ang dagok ni Ogor. Nasisilaw siya sa
araw. Napipikit siya.
Mangungudngod siya, mahahalik sa lupa. Ngunit wala siyang
nararamdamang sakit.
Wala siyang nararamdamang sakit!
Nakakatatlo nang asawa si Inay. Si Kano...si Boyet...si Diding...At
siya...Negro. Negro.
Negro!
Sa mga dagok ni Ogor, tila nasasalinan pa siya ng lakas. Bigla,
ubos-lakas at naguumiri
siyang umigtad. Napailalim si Ogor. Nahantad ang mukha ni Ogor. Dagok,
bayo,
dagok, bayo, dagok, bayo, dagok...Kahit saan. Sa dibdib. Sa mukha.
Dagok, bayo, dagok,
bayo, dagok, dagok, dagok...
Mahina na si Ogor. Lupaypay na. Nalalaglag na ang nagsasanggang kamay.
Humihingal na rin siya, humahagok. Ngunit nagliliyab pa rin ang poot
sa kaniyang mga
mata. Dagok. Papaluka. Dagok, bayo, dagok, bayo, dagok...
Gumagalaw-galaw ang sabog na labi ni Ogor.
“Impen...”
Muli niyang itinaas ang kamay.
“I-Impen...” Halos hindi niya narinig ang halingling ni Ogor. “I-Impen...s-suko
n-na...aako...
s-suko...n-na...a-ako!”
Naibaba niya ang nakataas na kamay. Napasuko niya si Ogor! Napatingala
siya. Abutabot
ang pahingal. Makaraan ang ilang sandali, dahan-dahan at nanlalambot
siyang
tumindig, nakatuon ang mga mata kay Ogor. Wasak ang kaniyang kamiseta
at duguan
ang kaniyang likod. May basa ng dugo’t lupa ang kaniyang nguso.
Maraming sandaling walang nangahas magsalita. Walang makakibo sa mga
agwador.
Hindi makapaniwala ang lahat. Lahat ay nakatingin sa kaniya.
Isa-isa niyang tiningnan ang mga nakapaligid sa kaniya. Walang
pagtutol sa mga mata
ng mga ito. Ang nababakas niya’y paghanga. Ang nakita niya’y
pangingimi.
Pinangingimian siya!
May luha siya sa mata ngunit may galak siyang nadama. Luwalhati.
Hinagud-hagod
niya ang mga kamao. Nadama niya ang bagong tuklas na lakas niyon. Ang
tibay. Ang
tatag. Ang kapangyarihan. Muli niyang tiningnan ang nakabulagtang si
Ogor. Pagkaraa’y
nakapikit at buka ang labing nag-angat siya ng mukha.
Sa matinding sikat ng araw, tila sya ang mandirigmang sugatan, ngunit
matatag na
nakatindig sa pinagwagihang larangan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento