Huwebes, Pebrero 28, 2013

Continuation ng mga Kuwento sa Unang Markahan


ALAMAT NI TUNGKUNG LANGIT
ni Roberto AƱonuevo

Hindi makapaniwala ang mga tao noon na wala naman talagang langit at lupa. Ako,
si Alunsina, at ang asawa kong si Tungkung Langit ang pinagmulan ng lahat ng bagay.
Kaming dalawa lamang ang pinag-ugatan ng buhay. Mula sa kaibuturan ng kawalan,
itinakda ng aming kasaysayan ang paglitaw ng daigdig ng mga tao.

Nabighani si Tungkung Langit nang una niya akong makita. Katunayan, niligawan
niya ako nang napakatagal, sintagal ng pagkakabuo ng tila walang katapusang kalawakan
na inyong tinitingala tuwing gabi. At paanong hindi mapaiibig si Tungkung Langit sa
akin? Mahahaba’t mala-sutla ang buhok kong itim. Malantik ang aking balakang at
balingkinitan ang mahalimuyak na katawan. Higit sa lahat, matalas ang aking isip na
tumutugma lamang sa gaya ng isip ni Tungkung Langit.

Kaya sinikap ng aking matipuno’t makapangyarihang kabiyak na dalhin ako doon sa
pook na walang humpay ang pag-agos ng dalisay, maligamgam na tubigan. Malimit kong
marinig ang saluysoy ng tubig, na siya ko namang sinasabayan sa paghimig ng maririkit
na awit. Napapatigalgal si Tungkung Langit tuwing maririnig ang aking tinig. “Alunsina,”
aniya, “ikaw ang iibigin ko saan man ako sumapit!” Pinaniwalaan ko ang kaniyang
sinambit. At ang malamig na simoy sa paligid ang lalo yatang nagpapainit ng aming
dibdib kapag kami’y nagniniig.

Napakasipag ng aking kabiyak. Umaapaw ang pag-ibig niya; at iyon ang aking
nadama, nang sikapin niyang itakda ang kaayusan sa daloy ng mga bagay at buhay sa
buong kalawakan.

Iniatang niya sa kaniyang balikat ang karaniwang daloy ng hangin, apoy, lupa,
at tubig. Samantala’y malimit akong maiwan sa aming tahanan, na siya ko namang
kinayamutan. Bagaman inaaliw ko ang sarili sa paghabi ng mga karunungang ipamamana
sa aming magiging anak, hindi mawala sa aking kalooban ang pagkainip. Wari ko,
napakahaba ang buong maghapon kung naroroon lamang ako’t namimintana sa
napakalaki naming bahay.

Madalas akong gumawi sa aming pasigan, at manalamin sa malinaw na tubig habang
sinusuklay ang mababangong buhok. Ngunit tuwing tititig ako sa tubig, ang nakikita ko’y
hindi ang sarili kundi ang minamahal na si Tungkung Langit.

Sabihin nang natutuhan ko kung paano mabagabag. Ibig kong tulungan ang aking
kabiyak sa kaniyang mabibigat na gawain. Halimbawa, kung paano itatakda ang hihip
ng hangin. O kung paano mapasisiklab ang apoy sa napakabilis na paraan. O kung
paano gagawing malusog ang mga lupain upang mapasupling nang mabilis ang mga pananim. Ngunit ano man ang aking naisin ay hindi ko maisakatuparan. Tumatanggi ang
aking mahal. “Dito ka na lamang sa ating tahanan, Alunsina, di ko nais na makita kang
nagpapakapagod!”

Tuwing naririnig ko ang gayong payo ni Tungkung Langit, hindi ko mapigil ang
maghinanakit. Kaparis ko rin naman siyang bathala, bathala na may angkin ding
kapangyarihan at dunong. Tila nagtutukop siya ng mga tainga upang hindi na marinig ang
aking pagpupumilit. Nagdulot iyon ng aming pagtatalo. Ibig kong maging makabuluhan
ang pag-iral. At ang pag-iral na yaon ang sinasagkaan ng aking pinakamamahal.

Araw-araw, lalong nagiging abala si Tungkung Langit sa kaniyang paggawa ng
kung ano-anong bagay. Makikita ko na lamang siyang umaalis sa aming tahanan nang
napakaaga, kunot ang noo, at tila laging malayo ang iniisip. Aaluin ko siya at pipisilin
naman niya ang aking mga palad . “Mahal kong Alunsina, kapag natapos ko na ang lahat
ay wala ka nang hahanapin pa!” At malimit nagbabalik lamang siya kapag malalim na ang
gabi.

Sa mga sandaling yaon, hindi ko mapigil ang aking mga luha na pumatak;
napapakagat-labi na lamang ako habang may pumipitlag sa aking kalooban.
Dumating ang yugtong nagpaalam ang aking kabiyak. “Alunsina, may mahalaga
akong gawaing kailangang matapos,” ani Tungkung Langit. “Huwag mo na akong hintayin
ngayong gabi’t maaga kang matulog. Magpahinga ka. Magbabalik din agad ako. . . .” May
bahid ng pagmamadali ang tinig ng aking minamahal. Lingid sa kaniya, nagsisimula nang
mamuo sa aking kalooban ang matinding paninibugho sa kaniyang ginagawa. Umalis nga
si Tungkung Langit at nagtungo kung saan. Subalit pinatititikan ko siya sa dayaray upang
mabatid ang kaniyang paroroonan. Ibig ko siyang sundan.

Natunugan ni Tungkung Langit ang aking ginawa. Nagalit siya sa dayaray at ang
dayaray ay isinumpa niyang paulit-ulit na hihihip sa dalampasigan upang ipagunita ang
pagsunod niya sa nasabing bathala. Samantala, nagdulot din yaon ng mainit na pagtatalo
sa panig naming dalawa.

“Ano ba naman ang dapat mong ipanibugho, Alunsina?” asik ni Tungkung Langit
sa akin. “Ang ginagawa ko’y para mapabuti ang daloy ng aking mga nilikha sa daigdig
ng mga tao!” Napoot ang aking kabiyak sa akin. Nakita ko sa kaniyang mga mata ang
paglalagablab, at lumalabas sa kaniyang bibig ang usok ng pagkapoot. Dahil sa nangyari,
inagaw niya sa akin ang kapangyarihan ko. Ipinagtabuyan niya ako palabas sa aming
tahanan.

Oo, nilisan ko ang aming bahay nang walang taglay na anumang mahalagang bagay.
Nang lumabas ako sa pintuan, hindi na muli akong lumingon nang hindi ko makita ang
bathalang inibig ko noong una pa man. Hubad ako nang una niyang makita. Hubad di ako
nang kami’y maghiwalay.

Alam kong nagkamali ng pasiya si Tungkung Langit na hiwalayan ako. Mula noon,
nabalitaan ko na lamang na pinananabikan niya ang paghihintay ko sa kaniya kahit sa
gitna ng magdamag; hinahanap niya ang aking maiinit na halik at yakap; pinapangarap
niyang muling marinig ang aking matarling na tinig; inaasam-asam niya na muli
akong magbabalik sa kaniyang piling sa paniniwalang ibig kong makamit muli ang
kapangyarihang inagaw niya sa akin. Ngunit hindi.

Hindi ko kailangan ang aking kapangyarihan kung ang kapangyarihan ay hindi mo rin
naman magagamit. Hindi ko kailangan ang kapangyarihan kung magiging katumbas iyon
ng pagkabilanggo sa loob ng bahay at paglimot sa sariling pag-iral.

Ipinaabot sa akin ng dayaray ang naganap sa dati naming tahanan ni Tungkung
Langit. Sinlamig ng bato ang buong paligid. Pumusyaw ang dating matitingkad na
palamuti sa aming bahay. Lumungkot nang lumungkot si Tungkung Langit at laging mainit
ang ulo. “Mabuti naman,” sabi ko sa dayaray. “Ngayon, matututo rin si Tungkung Langit
na magpahalaga sa kahit na munting bagay.”

Umaalingawngaw ang tinig ni Tungkung Langit at inaamo ako dito sa aking bagong
pinaghihimpilan upang ako’y magbalik sa kaniya. Ayoko. Ayoko nang magbalik pa
sa kaniya. Kahit malawak ang puwang sa aming pagitan, nadarama ko ang kaniyang
paghikbi. Oo, nadarama ko ang kaniyang pighati. Lumipas ang panahon at patuloy niya
akong hinanap. Ngunit nanatili siyang bigo.

Ang kaniyang pagkabigo na mapanumbalik ang aking pagmamahal ay higit niyang
dinamdam. Nagdulot din yaon sa kaniya upang lalong maging malikhain sa paghahanap.
Akala niya’y maaakit ako sa kaniyang gawi. Habang nakasakay sa ulap, naisip niyang
lumikha ng malalawak na karagatan upang maging salamin ko. Hindi ba, aniya, mahilig
si Alunsina na manalamin sa gilid ng aming sapa? Nababaliw si Tungkung Langit. Hindi
gayon kababaw ang aking katauhang mabilis maaakit sa karagatan.

Pumaloob din si Tungkung Langit sa daigdig na nilikha niya na laan lamang sa mga
tao. Naghasik siya ng mga buto at nagpasupling ng napakaraming halaman, damo,
palumpong, baging, at punongkahoy. “Marahil, maiibigan ito ni Alunsina,” ang tila
narinig kong sinabi niya. Gayunman, muli siyang nabigo dahil hindi ako nagbalik sa kaniyang piling.

Humanap pa ng mga paraan ang dati kong kabiyak upang paamuin ako. Halimbawa,
kinuha niya sa dati naming silid ang mga nilikha kong alahas. Ipinukol niya lahat ang
mga alahas sa kalawakan upang masilayan ko. Naging buwan ang dati kong ginintuang
suklay; naghunos na mga bituin ang mga hiyas ko’t mutya; at naging araw ang ginawa
kong pamutong sa ulo. Kahit ano pa ang gawin ni Tungkung Langit, hindi na muli akong
nagbalik sa kaniyang piling.

Namighati siya. At nadama niya kung paanong mamuhay nang mag-isa, gaya lamang
ng naganap sa akin dati doon sa aming tirahan. Lumuha nang lumuha si Tungkung Langit,
at ang kaniyang pagluha ay nagdulot sa unang pagkakataon ng pag-ulan. Kapag siya’y
humahagulgol, nagbubunga yaon ng malalakas na pagkulog at pagkidlat. May panahong
tumitindi ang kaniyang pighati, kaya huwag kayong magtaka kung bakit umuulan. Ang
mga luha ni Tungkung Langit ang huhugas sa akin, at sa aking kumakawag na supling.



SALAMIN

Assunta Cuyegkeng

Walang kurap siyang titingin sa akin,
itong kakambal ko sa salamin.
Pag-aaralan ang linya at pekas
na unti-unti nang kumalat sa aking mukha
pag-aaralan pati ang mata kong
kape pala ang kulay, hindi itim.


Walang kurap siyang magmamasid,
pag-aaralan ang takbo ng aking dibdib
na kung minsan, kumakabog,
kung minsan, natutulog.


Dito nagtatago ang aking mangingibig,
ina at ama, anak, kapatid,
ang init ng gising kong dugo,
ang hininga ng Diyos na matiyagang
nakikinig.


Tatapatan niya ako,
sisipatin mula paa hanggang ulo
at ihaharap sa akin,
walang retoke,
ang buo kong pagkatao.



ANG PINTOR

Jerry Gracio

Gumuhit siya ng ibon
Lumipad ito palayo
Gumuhit siya ng isda,
Lumangoy ito sa hangin.
Gumuhit siya ng bulaklak,
Nagkalat ang halimuyak sa dilim.
Iginuhit niya ang sarili,
At inangkin siya ng kambas.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento