Huwebes, Pebrero 28, 2013

Mga Kwento sa Unang Markahan


BATANG-BATA KA PA
APO Hiking Society

Batang-bata ka pa at marami ka pang                                           
Kailangang malaman at intindihin sa mundo
‘Yan ang totoo
Nagkakamali ka kung akala mo na
Ang buhay ay isang mumunting paraiso lamang

Batang-bata ka lang at akala mo na
Na alam mo na ang lahat ng kailangan mong malaman
Buhay ay ‘di ganyan
Tanggapin mo na lang ang katotohanan
Na ikaw ay isang musmos lang na wala pang alam
Makinig ka na lang
Makinig ka na lang

Ganyan talaga ang buhay
Lagi kang nasasabihan
‘Pagkat ikaw ay bata
At wala pang nalalaman
Makinig ka sa ‘king payo
‘Pagkat musmos ka lamang
At malaman nang maaga
Ang wasto sa kamalian

Batang-bata ako nalalaman ko ‘to
Inaamin ko rin na kulang
Ang aking nalalaman at nauunawaan
Ngunit kahit ganyan ang kinalalagyan
Alam ko na may karapatan ang bawat nilalang
Kahit bata pa man
Kahit bata pa man

Nais ko sanang malaman
Ang mali sa katotohanan
Sariling pagdaranas
Ang aking pamamagitan

Imulat ang isipan
Sa mga kulay ng buhay
Maging tunay na malaya
Sa katangi-tanging bata
Batang-bata ka pa at marami ka pang
Kailangang malaman at intindihin sa mundo

Nais ko sanang malaman
Ang mali sa katotohanan

Batang-bata ka lang at akala mo na
Na alam mo na ang lahat ng
Kailangan mong malaman

Nagkakamali ka kung akala mo na
Ang buhay ay isang mumunting paraiso lamang

Batang-bata ka pa
Batang-bata ka pa
Batang-bata ka pa
Batang-bata ka pa


ANG SUNDALONG PATPAT

Rio Alma



Unang Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng sampalok. “Saan

ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hahanapin ko ang nawawalang ulan,” sagot ng
Sundalong Patpat habang inaayos ang papel na sombrero. “Pero hindi hinahanap ang
ulan,” nagtatakang nagkamot ng tuktok ang sampalok. “Dumarating ito kung kailan
gusto.” “Kung gayon, aalamin ko kung bakit matagal nang ayaw dumalaw ng ulan,”
sagot ng Sundalong Patpat at pinatakbo ang kaniyang kabayong payat.

Ikalawang Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng manok.
“Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hahanapin ko ang nakalimot na ulan,”
sagot ng Sundalong Patpat habang nagpupunas ng pawis na tumatagaktak. “Pero
hindi hinahanap ang ulan,” nagtatakang tilaok ng manok. “Dumarating ito kung
tinatawagan at dinasalan.” “Kung gayon, aalamin ko kung bakit matagal nang hindi
makarinig ang ulan,” sagot ng Sundalong Patpat at pinatakbo ang kaniyang kabayong
payat.
Ikatlong Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng bundok. “Saan
ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hinahanap ko ang nawawalang ulan,” sagot ng
Sundalong Patpat habang hinihimas ang kabayong humihingal. “Matagal nang umalis
dito ang ulan,” paliwanag ng kalbong bundok. “Nagtago sa pinakamataas na ulap.”
“Kung gayon, aakyatin ko ang ulap,” sabi ng Sundalong Patpat at umimbulog agad sa
simoy na pumapagaspas.

Ikaapat na Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng ulap. “Saan
ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hinahanap ko ang nagtatagong ulan,” sagot
ng Sundalong Patpat habang tinatapik ang nahihilong kabayong payat. “Matagal
nang umalis dito ang ulan,” paliwanag ng maputlang ulap. “Nagtago sa pusod ng
dagat.” “Kung gayon, sisisirin ko ang dagat,” sabi ng Sundalong Patpat at lumundag
pabulusok sa mga along nakatinghas.

Ikalimang Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng dagat. “Saan
ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hinahanap ko ang nagtatagong ulan,” sagot ng
Sundalong Patpat at iwinasiwas ang espadang patpat. “Pero hindi nagtatago ang
ulan,” paliwanag ng nagniningning na dagat. “Ibinilanggo ni Pugita sa kaniyang
mutyang perlas.” “Kung gayon, papatayin ko si Pugita,” sabi ng matapang na
Sundalong Patpat. “Palalayain ko ang ulan.” At sinugod ng Sundalong Patpat sakay ng
kaniyang kabayong payat ang yungib ni Pugita. Nagulat si Pugita sa biglang pagpasok
ng Sundalong Patpat na iwinawasiwas ang espadang patpat. Nagulat si Pugita sa
liksi at lakas ng maliit na Sundalong Patpat. Nagulat si Pugita sa talim at talas ng
kumikislap na espadang patpat.

Una at Ikalawang Pangkat: Mabilis at isa-isang tinigpas ng Sundalong Patpat ang
malalaki’t mahahabang galamay ng mabagal at matabang dambuhala. Isa, dalawa,
tatlo. Apat. Lima. Anim. Pito. Walo! Huli na nang magbuga ng maitim na tinta si
Pugita. Nasungkit na ng Sundalong Patpat ang mutyang perlas na nakapalawit sa
kuwintas ng nalumpong hari ng dagat!

Ikatlo at Ikaapat na Pangkat: Hawak ang perlas, dali-daling sumibad patungong
pampang ang Sundalong Patpat sakay ng mabilis na kabayong payat. Pag-ahon
ay agad niyang ipinukol ang mutyang perlas paitaas, mataas, mataas na mataas,
hanggang umabot sa tiyan ng ulap at sumabog na masaganang ulan.

Ikalimang Pangkat: Nagbunyi ang buong daigdig. Sumupling muli’t naglaro ang mga
damo’t dahon. Nagbihis ng luntian ang mga bukid at bundok. Muling umawit ang
mga ibon at ilog...

Lahat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng sampalok. “Saan ka na
naman dadalhin ng kabayong payat?” “Hahanapin ko ang gusi ng ginto sa puno
ng bahaghari,” sagot ng makisig na Sundalong Patpat at pinatakbo ang makisig na kabayong payat.



ISANG DOSENANG KLASE NG HIGHSCHOOL STUDENT

Sipi mula sa Aba, Nakakabasa na Pala Ako! ni Bob Ong


Sa mata ng isang guro, may isang dosenang klase lang ng high school students.

Clowns – Ang official kenkoy ng klase. May mga one-liner na gumigising sa lahat pag
nagkakaantukan na. Sabi ng ilang teacher, eto raw yung mga KSP sa klase na dahil hindi
naman matalino e idinadaan na lang sa patawa ang pagpapapansin. Pero aaminin ko
walang klaseng walang ganito, at kung meron man, magiging matinding sakripisyo ang
pagpasok sa eskuwela araw-araw.

Geeks – Mga walang pakialam sa mundo, libro-teacher-blackboard lang ang
iniintindi. Kahit na mainit ang ulo at bad trip ang teacher, ang mga geeks ang walang
takot na lumapit sa kanila para lang itanong kung mag-iiba ang result ng equation kung
isa-substitute yung value ng X sa Y.

Holow Man – May dalawang uri ang HM virus, ang type A at type B. Ang type A ay
ang mga estudyanteng madalas invisible, bakante ang upuan, madalas absent. Type B
naman ang mga mag-aaral na bagama’t present e invisible naman madalas ang sagot sa
mga quiz; hollow ang utak.

Spice Girls – Barkadahan ng mga kababaihang mahilig gumimik, sabay-sabay pero
laging late na pumapasok ng room pagkatapos ng recess at lunch breack. Madalas na
may hawak na suklay, brush at songhits. Pag pinagawa mo ng grupo ang isang klase,
laging magkakasama sa iisang grupo ang SG.

Da Gwapings – ang male counterpart ng SG, isinilang sa mundo para magpa-cute.
Konti lang ang miyembro nito, mga dalawa hanggang apat lang, para mas pansin ang
bawat isa. Tulad ng SG, kadalasang puro hair gel lang ang laman ng utak ng mga DG.
Celebrities – Politicians, atheletes at performers. Politicians ang mga palaban na
mag-aaral na mas nag-aalala pa sa kalagayan ng eskuwelahan at mga kapwa estudyante
kesa sa grades nila sa Algebra. Athletes ang ilang varsitarian na kung gaano kabilis
tumakbo e ganoon din kabagal magbasa. Performers naman ang mga estudyanteng kaya
lang yata pumapasok sa eskuwela e para makasayaw, makakanta, at makatula sa stage
tuwing Linggo ng Wika. Sa pangkalahatan ang mga celebrity ay may matinding PR, pero
mababang IQ.

Guinness –Mga record holders pagdating sa persistence. Pilit pinupunan ng
kasipagan ang kakulangan ng katalinuhan. Sila ang kadalasang nagtatagumpay sa buhay.
Masinop sa projects, aktibo sa recitation. Paulit-ulit at madalas magtaas ng kamay kahit
na laging mali ang sagot.

Leather Goods – Mga estudyanteng may maling uri ng determinasyon. Laging
determinado ang mga ito sa harapang pangongopya, bulgarang pandaraya, at palagiang
pagpapalapad ng papel sa teacher. Talo ang balat ng mga buwaya sa pakapalan.

Weirdos – Mga Problematic students, misunderstood daw, kadalasang tinatawag na
black sheep ng klase. May kaniya-kaniya silang katangian: konti ang kaibigan, madalas
mapaaway, mababa ang grades, at teacher’s enemy.

Mga Anak ni Rizal – Ang endangered species sa eskuwelahan. Straight ‘A’ students,
pero well rounded at hindi geeks. Teacher’s pet pero hindi sipsip. Hari ng Math, Science,
at English, pero may oras pa rin para sa konting extra-curricular activities at gimmicks.

Bob Ongs – Mga medyo matalino na medyo may sayad. Eto ’yung estudyanteng
habang nagle-lecture ‘yung teacher e pinaplano na ’yung librong ipa-publish n’ya tungkol
sa classmates n’ya.

Commoners – Mga generic na miyembro ng klase. Kulang sa individuality at
katangiang umuukit sa isipan. Hindi sila kagad napapansin ng teacher pag absent, at
sa paglipas ng panahon, sila ang mga taong unang nakakalimutan ng mga teachers at
classmates nila.

Posibleng may mga estudyante na ang katangian ay kombinasyon ng mga nabanggit.
Posible ring hindi lahat ng uring estudyante ay makikita sa iisang klase.



SANDAANG DAMIT

Fanny Garcia


May isang batang mahirap. Nag-aaral siya. Sa paaralan ay kapansin-pansin ang
kaniyang pagiging walang-imik. Malimit siyang nag-iisa. Laging nasa isang sulok. Kapag
nakaupo na’y tila ipinagkit. Laging nakayuko, mailap ang mga mata, sasagot lamang
kapag tinatawag ng guro. Halos paanas pa kung magsalita.

Naging mahiyain siya sapagkat maaga niyang natuklasang kaiba ang kaniyang
kalagayan sa mga kaklase. Ipinakita at ipinabatid nila iyon sa kaniya. Mayayaman
sila. Magaganda at iba-iba ang kanilang damit na pamasok sa paaralan. Malimit nila
siyang tuksuhin sapagkat ang kaniyang damit, kahit nga malinis, ay halatang luma na,
palibhasa’y kupasin at punung-puno ng sulsi.

Ilarawan ang pisikal at emosyunal na kalagayan ng batang babae.

Kapag oras na ng kainan at labasan na ng kani-kanilang pagkain, halos ayaw niyang
ilitaw ang kaniyang baon. Itatago niya sa kandungan ang kaniyang pagkain, pipiraso ng
pakonti-konti, tuloy subo sa bibig, mabilis upang hindi malaman ng mga kaklase ang
kaniyang dalang pagkain. Sa sulok ng kaniyang mata ay masusulyapan niya ang mga
pagkaing nakadispley sa ibabaw ng pupitre ng mga kaklase: mansanas, sandwiches,
kending may iba-ibang hugis at kulay na pambalot na palara.

Ang panunukso ng mga kaklase ay hindi nagwawakas sa kaniyang mga damit.
Tatangkain nilang silipin kung ano ang kaniyang pagkain at sila’y magtatawanan kapag
nakita nilang ang kaniyang baon ay isa lamang pirasong tinapay na karaniwa’y walang
palaman.

Kaya lumayo siya sa kanila. Naging walang kibo. Mapag-isa.

Ang nangyayaring ito’y hindi naman lingid sa kaniyang ina. Sa bahay ay di minsan
o makalawa siyang umuuwing umiiyak dahil sa panunukso ng mga kaklase, at siya’y
magsusumbong. Mapapakagat-labi ang kaniyang ina, matagal itong hindi makakakibo,
at sabay haplos nito sa kaniyang buhok at paalong sasabihin sa kaniya, hayaan mo
sila anak, huwag mo silang pansinin, hamo, kapag nakakuha ng maraming pera ang
iyong ama, makakapagbaon ka na rin ng masasarap na pagkain, mabibili na rin kita ng
maraming damit.

At lumipas pa ang maraming araw. Ngunit ang ama’y hindi pa rin nakapag-uwi ng
maraming pera kaya ganoon pa rin ang kanilang buhay. Ngunit ang bata’y unti-unting nakaunawa sa kanilang kalagayan. Natutuhan niyang makibahagi sa malaking suliranin
ng kanilang pamilya. Natutuhan niyang sarilinin ang pagdaramdam sa panunukso ng mga
kaklase. Hindi na siya umuuwing umiiyak. Hindi na siya nagsusumbong sa kaniyang ina.

            Sa kaniyang pagiging tahimik ay ipinalalagay ng kaniyang mga kaklase na siya’y
kanilang talun-talunan kaya lalong sumidhi ang kanilang pambubuska. Lumang damit. Di
masarap na pagkain. Mahirap. Isinalaksak nila sa kaniyang isip.

            Hanggang isang araw ay natuto siyang lumaban.

            Sa buong pagtataka nila’y bigla na lamang nagkatinig ang mahirap na batang
babaeng laging kupasin, puno ng sulsi, at luma ang damit, ang batang laging kakaunti
ang baong pagkain. Yao’y isa na naman sanang pagkakataong walang magawa ang
kaniyang mga kaklase at siya na naman ang kanilang tinutukso.

“Alam n’yo,” aniya sa malakas at nagmamalaking tinig, “ako’y may sandaang damit sa
bahay.”

Nagkatinginan ang kaniyang mga kaklase, hindi sila makapaniwala.

“Kung totoo ya’y ba’t lagi na lang luma ang suot mo?”

Mabilis ang naging tugon niya, “Dahil iniingatan ko ang aking sandaang damit.
Ayokong maluma agad.”

“Sinungaling ka! Ipakita mo muna sa’min para kami maniwala!” Iisang tinig na sabi
nila sa batang mahirap.

“Hindi ko madadala rito. Baka makagalitan ako ni Nanay. Kung gusto n’yo’y sasabihin
ko na lang kung ano ang tabas, kung ano ang tela, kung ano ang kulay, kung may laso o
bulaklak.”

At nagsimula na nga siyang maglarawan ng kaniyang mga damit. Ayon sa kaniya’y
may damit siya para sa iba-ibang okasyon. May damit siyang pambahay, pantulog,
pampaaralan, pansimbahan, at iba pa.

Naging mahaba ang kaniyang pagkukuwento. Paano’y inilarawan niya hanggang
kaliit-liitang detalye ang bawat isa sa kaniyang sandaang damit. Tulad halimbawa ng
isang damit na pandalo niya sa pagtitipon. Makintab na rosas ang tela nito na sinabugan ng pinaggupit-gupit na mumunting bulaklak at makikislap na rosas at puting abaloryo.
Bolga ang manggas. May tig-isang malaking laso sa magkabilang balikat. Hanggang
sakong ang haba ng damit.

O kaya’y ang kaniyang dilaw na pantulog na may prutas sa kuwelyo, manggas, at
laylayan. O ang kaniyang puting pansimba na may malapad na sinturon at malalaking
bulsa.

Mula noo’y naging kaibigan niya ang mga kaklase. Ngayo’y siya ang naging
tagapagsalita at sila naman ang kaniyang tagapakinig. Lahat sila’y natutuwa sa kaniyang
kuwento tungkol sa sandaang damit. Nawala ang kaniyang pagkamahiyain. Naging
masayahin siya bagaman patuloy pa rin ang kaniyang pamamayat kahit ngayo’y
nabibigyan nila siya ng kapiraso ng kanilang baong mansanas o sandwich, isa o dalawang
kendi.

Ngunit isang araw ay hindi pumasok sa klase ang mahirap na batang babaeng may
sandaang damit. Saka ng sumunod na araw. At nang sumunod pa. At pagkaraan ng isang
linggong hindi niya pagpasok ay nabahala ang kaniyang mga kaklase at guro.

Isang araw ay nagpasya silang dalawin ang batang matagal na lumiban sa klase. Ang
natagpuan nilang bahay ay sira-sira at nakagiray na sa kalumaan.

Sumungaw ang isang babaeng payat, iyon ang ina ng batang mahirap. Pinatuloy
sila at nakita nila ang maliit na kabuuan ng kabahayan na salat na salat sa anumang
marangyang kasangkapan. At sa isang sulok ay isang lumang teheras at doon nakaratay
ang batang babaeng may sakit pala. Ngunit sa mga dumalaw ay di agad ang maysakit
ang napagtuunang-pansin kundi ang mga papel na maayos na maayos na nakahanay
at nakadikit sa dingding na kinasasandigan ng teheras. Lumapit sila sa sulok na yaon
at nakita nilang ang mga papel na nakadikit sa dingding ay ang drowing ng bawat isa
sa kaniyang sandaang damit. Magaganda, makukulay. Naroong lahat ang kaniyang
naikuwento. Totoo’t naroon ang sinasabi niyang rosas na damit na pandalo sa pagtitipon.
Naroon din ang drowing ng kaniyang pantulog, ang kaniyang pansimba, ang sinasabi
niyang pamasok sa paaralan na kailanma’y hindi nasilayan ng mga kaklase dahil ayon sa
kaniya’y nakatago’t iniingatan niya sa bahay.

Sandaang damit na pawang iginuhit lamang.


KUNG BAKIT UMUULAN
Isang Kuwentong Bayan

Noong unang panahon, wala pang mundo, wala pang araw at buwan, wala pang
oras, at wala pang buhay o kamatayan. Mayroon lang dalawang diyos, si Tungkung Langit,
at ang kaniyang kabiyak na si Alunsina.

“Tingnan mo, mahal, lilikhain ko ang santinakpan para sa iyo!” pagmamalaking sabi
ni Tungkung Langit.

“Hayaan mong tulungan kita, kaya ko ring lumikha,” ang sabi ni Alunsina.

“Huwag kang mag-alala, mahal, ito ang regalo ko sa iyo: ang mga bituin, ang mga
planeta, ang buwan, ang mga ulap, at ang hangin.”

“Pero makapangyarihan din naman ako, dahil isa akong diyosa,” bulong ni Alunsina.
Ngumiti lang si Tungkung Langit at niyakap si Alunsina. Pagkatapos, tumindig siya nang
matikas, huminga nang malalim, at sumigaw nang pagkalakas-lakas sa kawalan.

Lahat ng sabihin ni Tungkung-Langit ay nagkatotoo. Kumalat ang sinag ng bagong
likhang araw. Kumislap-kislap ang mga bituin. Umikot ang mga planeta at lumiwanag ang
buwan. Humangin nang pagkalakas-lakas.

At naulit ito nang naulit. Mahal na mahal ni Tungkung Langit si Alunsina, kaya ayaw
niya itong mapagod. Ayaw niyang gumamit ng kahit isang daliri si Alunsina upang lumikha
ng kahit isang bagay.

“Mas gugustuhin kong maupo ka na lang, magpahinga, at maging maganda,” ang sabi
ni Tungkung Langit kay Alunsina.

Ngunit sawa na si Alunsina sa ganoong klaseng buhay. Naramdaman niyang parang
wala siyang silbi bilang diyosa. Gusto niyang lumikha.

“Huwag kang mag-alala,” sabi ni Tungkung Langit sa kaniyang iniibig, “wawakasan ko
ang iyong pagkabagot. Lilikha ako ng... oras!” At nagsimula nga ang oras.

Kasamang nalikha ng oras ang alaala... at naalala ni Alunsina ang panahong wala
pang laman ang kalawakan, nang hindi siya nakalikha ng kahit ano. “Gusto kong lumikha!”
sabi ni Alunsina.

Isang araw, patagong sinundan ni Alunsina si Tungkung Langit. Nang makita siya ni Tungkung Langit, agad siyang tinanong: “Bakit ka narito? Bakit mo ako sinusundan?”


“Gusto kong lumikha! Diyos din ako tulad mo!” sabi ni Alunsina.

“Nababagot ka ba uli, mahal? Huwag kang mag-alala, lilikhain ko ang kulog at kidlat
para sa iyo!”

Lumiwanag at dumagundong sa buong kalangitan dahil sa kulog at kidlat. Nagulat
ang buong santinakpan. Nagtago ang araw, ang buwan at bituin. Kahit ang hangin ay
tumigil sa pag-ihip! Pero hindi natinag si Alunsina. Nakatayo lang siya doon, nanonood, nakakunot ang noo.

“Sawa na akong panoorin ka lang lumikha ng planeta at araw at bituin! Sawa na
akong naririto lang, nakaupo, walang ginagawa! Kaya kong lumikha! Isa rin akong diyosa!”
Pero hindi siya pinakinggan ni Tungkung Langit. Umalis siya at lumikha pa ng maraming
bagay sa kalawakan. Akala niya ay nagpapapansin lang si Alunsina.

Hindi na nakayanan ni Alunsina ang lungkot sa kaniyang puso, kaya lumayas siya sa
kanilang tirahan. Pag-uwi ni Tungkung Langit, gulat na gulat siya nang makitang walang
apoy sa kanilang kalan, walang pagkain sa kanilang mesa. At wala na rin ang kaniyang
Alunsina.

“Alunsina! Alunsina!” Hinanap nang hinanap ni Tungkung Langit ang kaniyang asawa,
ngunit hindi niya ito matagpuan. Tinawag niya nang tinawag ang pangalan ni Alunsina,
ngunit walang binalik ang hangin kundi alingawngaw.

Lumipas ang mahabang panahon, at nagsawa rin sa paglikha si Tungkung Langit.
Araw-araw, hinanap ni Tungkung Langit ang kaniyang iniibig. Ngunit wala siyang nakita.
Isang araw, sumilip si Tungkung Langit mula sa ilang ulap. Hinawi niya ang mga ulap
at sa kaniyang gulat, naroon ang kaniyang asawang si Alunsina.

“Anong ginagawa mo diyan, mahal? Matagal na kitang hinahanap!”

Tumingala si Alunsina. Kitang-kita sa kaniyang mukha ang kaligayahang matagal nang
hinahangad ni Tungkung Langit.

“Nilikha ko ang daigdig. Ang daigdig na may puno at halaman, isda at mga ibon.
Nilikha ko ang mga bundok, ang langit, ang karagatan. Nilikha ko ang buhay, dahil isa rin akong diyos.” At nagpatuloy si Alunsinang lumikha.

Nasaktan si Tungkung Langit. Ang kaligayahang nakita niya sa mukha ng kaniyang
asawa ay hindi dahil sa pagkakita sa kaniya.

Mula noon, hindi na bumalik si Alunsina sa kalangitan. Paminsan-minsan, sinusubok
siyang pabalikin ni Tungkung Langit sa pamamagitan ng paglikha ng kulog at kidlat. Ngunit
hindi na babalik muli si Alunsina.

Mula noon, upang mabisita ni Tungkung Langit ang kaniyang dating asawa, kailangan niyang mag-anyong ulan. Ulan na didilig sa daigdig na nilikha ng kaniyang iniibig, si Alunsina.



ALAMAT NI TUNGKUNG LANGIT
ni Roberto Añonuevo

Hindi makapaniwala ang mga tao noon na wala naman talagang langit at lupa. Ako,
si Alunsina, at ang asawa kong si Tungkung Langit ang pinagmulan ng lahat ng bagay.
Kaming dalawa lamang ang pinag-ugatan ng buhay. Mula sa kaibuturan ng kawalan,
itinakda ng aming kasaysayan ang paglitaw ng daigdig ng mga tao.

Nabighani si Tungkung Langit nang una niya akong makita. Katunayan, niligawan
niya ako nang napakatagal, sintagal ng pagkakabuo ng tila walang katapusang kalawakan
na inyong tinitingala tuwing gabi. At paanong hindi mapaiibig si Tungkung Langit sa
akin? Mahahaba’t mala-sutla ang buhok kong itim. Malantik ang aking balakang at
balingkinitan ang mahalimuyak na katawan. Higit sa lahat, matalas ang aking isip na
tumutugma lamang sa gaya ng isip ni Tungkung Langit.

Kaya sinikap ng aking matipuno’t makapangyarihang kabiyak na dalhin ako doon sa
pook na walang humpay ang pag-agos ng dalisay, maligamgam na tubigan. Malimit kong
marinig ang saluysoy ng tubig, na siya ko namang sinasabayan sa paghimig ng maririkit
na awit. Napapatigalgal si Tungkung Langit tuwing maririnig ang aking tinig. “Alunsina,”
aniya, “ikaw ang iibigin ko saan man ako sumapit!” Pinaniwalaan ko ang kaniyang
sinambit. At ang malamig na simoy sa paligid ang lalo yatang nagpapainit ng aming
dibdib kapag kami’y nagniniig.

Napakasipag ng aking kabiyak. Umaapaw ang pag-ibig niya; at iyon ang aking
nadama, nang sikapin niyang itakda ang kaayusan sa daloy ng mga bagay at buhay sa
buong kalawakan.

Iniatang niya sa kaniyang balikat ang karaniwang daloy ng hangin, apoy, lupa,
at tubig. Samantala’y malimit akong maiwan sa aming tahanan, na siya ko namang
kinayamutan. Bagaman inaaliw ko ang sarili sa paghabi ng mga karunungang ipamamana
sa aming magiging anak, hindi mawala sa aking kalooban ang pagkainip. Wari ko,
napakahaba ang buong maghapon kung naroroon lamang ako’t namimintana sa
napakalaki naming bahay.

Madalas akong gumawi sa aming pasigan, at manalamin sa malinaw na tubig habang
sinusuklay ang mababangong buhok. Ngunit tuwing tititig ako sa tubig, ang nakikita ko’y
hindi ang sarili kundi ang minamahal na si Tungkung Langit.

Sabihin nang natutuhan ko kung paano mabagabag. Ibig kong tulungan ang aking
kabiyak sa kaniyang mabibigat na gawain. Halimbawa, kung paano itatakda ang hihip
ng hangin. O kung paano mapasisiklab ang apoy sa napakabilis na paraan. O kung
paano gagawing malusog ang mga lupain upang mapasupling nang mabilis ang mga pananim. Ngunit ano man ang aking naisin ay hindi ko maisakatuparan. Tumatanggi ang
aking mahal. “Dito ka na lamang sa ating tahanan, Alunsina, di ko nais na makita kang
nagpapakapagod!”

Tuwing naririnig ko ang gayong payo ni Tungkung Langit, hindi ko mapigil ang
maghinanakit. Kaparis ko rin naman siyang bathala, bathala na may angkin ding
kapangyarihan at dunong. Tila nagtutukop siya ng mga tainga upang hindi na marinig ang
aking pagpupumilit. Nagdulot iyon ng aming pagtatalo. Ibig kong maging makabuluhan
ang pag-iral. At ang pag-iral na yaon ang sinasagkaan ng aking pinakamamahal.

Araw-araw, lalong nagiging abala si Tungkung Langit sa kaniyang paggawa ng
kung ano-anong bagay. Makikita ko na lamang siyang umaalis sa aming tahanan nang
napakaaga, kunot ang noo, at tila laging malayo ang iniisip. Aaluin ko siya at pipisilin
naman niya ang aking mga palad . “Mahal kong Alunsina, kapag natapos ko na ang lahat
ay wala ka nang hahanapin pa!” At malimit nagbabalik lamang siya kapag malalim na ang
gabi.

Sa mga sandaling yaon, hindi ko mapigil ang aking mga luha na pumatak;
napapakagat-labi na lamang ako habang may pumipitlag sa aking kalooban.
Dumating ang yugtong nagpaalam ang aking kabiyak. “Alunsina, may mahalaga
akong gawaing kailangang matapos,” ani Tungkung Langit. “Huwag mo na akong hintayin
ngayong gabi’t maaga kang matulog. Magpahinga ka. Magbabalik din agad ako. . . .” May
bahid ng pagmamadali ang tinig ng aking minamahal. Lingid sa kaniya, nagsisimula nang
mamuo sa aking kalooban ang matinding paninibugho sa kaniyang ginagawa. Umalis nga
si Tungkung Langit at nagtungo kung saan. Subalit pinatititikan ko siya sa dayaray upang
mabatid ang kaniyang paroroonan. Ibig ko siyang sundan.

Natunugan ni Tungkung Langit ang aking ginawa. Nagalit siya sa dayaray at ang
dayaray ay isinumpa niyang paulit-ulit na hihihip sa dalampasigan upang ipagunita ang
pagsunod niya sa nasabing bathala. Samantala, nagdulot din yaon ng mainit na pagtatalo
sa panig naming dalawa.

“Ano ba naman ang dapat mong ipanibugho, Alunsina?” asik ni Tungkung Langit
sa akin. “Ang ginagawa ko’y para mapabuti ang daloy ng aking mga nilikha sa daigdig
ng mga tao!” Napoot ang aking kabiyak sa akin. Nakita ko sa kaniyang mga mata ang
paglalagablab, at lumalabas sa kaniyang bibig ang usok ng pagkapoot. Dahil sa nangyari,
inagaw niya sa akin ang kapangyarihan ko. Ipinagtabuyan niya ako palabas sa aming
tahanan.

Oo, nilisan ko ang aming bahay nang walang taglay na anumang mahalagang bagay.
Nang lumabas ako sa pintuan, hindi na muli akong lumingon nang hindi ko makita ang
bathalang inibig ko noong una pa man. Hubad ako nang una niyang makita. Hubad di ako
nang kami’y maghiwalay.

Alam kong nagkamali ng pasiya si Tungkung Langit na hiwalayan ako. Mula noon,
nabalitaan ko na lamang na pinananabikan niya ang paghihintay ko sa kaniya kahit sa
gitna ng magdamag; hinahanap niya ang aking maiinit na halik at yakap; pinapangarap
niyang muling marinig ang aking matarling na tinig; inaasam-asam niya na muli
akong magbabalik sa kaniyang piling sa paniniwalang ibig kong makamit muli ang
kapangyarihang inagaw niya sa akin. Ngunit hindi.

Hindi ko kailangan ang aking kapangyarihan kung ang kapangyarihan ay hindi mo rin
naman magagamit. Hindi ko kailangan ang kapangyarihan kung magiging katumbas iyon
ng pagkabilanggo sa loob ng bahay at paglimot sa sariling pag-iral.

Ipinaabot sa akin ng dayaray ang naganap sa dati naming tahanan ni Tungkung
Langit. Sinlamig ng bato ang buong paligid. Pumusyaw ang dating matitingkad na
palamuti sa aming bahay. Lumungkot nang lumungkot si Tungkung Langit at laging mainit
ang ulo. “Mabuti naman,” sabi ko sa dayaray. “Ngayon, matututo rin si Tungkung Langit
na magpahalaga sa kahit na munting bagay.”

Umaalingawngaw ang tinig ni Tungkung Langit at inaamo ako dito sa aking bagong
pinaghihimpilan upang ako’y magbalik sa kaniya. Ayoko. Ayoko nang magbalik pa
sa kaniya. Kahit malawak ang puwang sa aming pagitan, nadarama ko ang kaniyang
paghikbi. Oo, nadarama ko ang kaniyang pighati. Lumipas ang panahon at patuloy niya
akong hinanap. Ngunit nanatili siyang bigo.

Ang kaniyang pagkabigo na mapanumbalik ang aking pagmamahal ay higit niyang
dinamdam. Nagdulot din yaon sa kaniya upang lalong maging malikhain sa paghahanap.
Akala niya’y maaakit ako sa kaniyang gawi. Habang nakasakay sa ulap, naisip niyang
lumikha ng malalawak na karagatan upang maging salamin ko. Hindi ba, aniya, mahilig
si Alunsina na manalamin sa gilid ng aming sapa? Nababaliw si Tungkung Langit. Hindi
gayon kababaw ang aking katauhang mabilis maaakit sa karagatan.

Pumaloob din si Tungkung Langit sa daigdig na nilikha niya na laan lamang sa mga
tao. Naghasik siya ng mga buto at nagpasupling ng napakaraming halaman, damo,
palumpong, baging, at punongkahoy. “Marahil, maiibigan ito ni Alunsina,” ang tila
narinig kong sinabi niya. Gayunman, muli siyang nabigo dahil hindi ako nagbalik sa kaniyang piling.

Humanap pa ng mga paraan ang dati kong kabiyak upang paamuin ako. Halimbawa,
kinuha niya sa dati naming silid ang mga nilikha kong alahas. Ipinukol niya lahat ang
mga alahas sa kalawakan upang masilayan ko. Naging buwan ang dati kong ginintuang
suklay; naghunos na mga bituin ang mga hiyas ko’t mutya; at naging araw ang ginawa
kong pamutong sa ulo. Kahit ano pa ang gawin ni Tungkung Langit, hindi na muli akong
nagbalik sa kaniyang piling.

Namighati siya. At nadama niya kung paanong mamuhay nang mag-isa, gaya lamang
ng naganap sa akin dati doon sa aming tirahan. Lumuha nang lumuha si Tungkung Langit,
at ang kaniyang pagluha ay nagdulot sa unang pagkakataon ng pag-ulan. Kapag siya’y
humahagulgol, nagbubunga yaon ng malalakas na pagkulog at pagkidlat. May panahong
tumitindi ang kaniyang pighati, kaya huwag kayong magtaka kung bakit umuulan. Ang
mga luha ni Tungkung Langit ang huhugas sa akin, at sa aking kumakawag na supling.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento